PGMA, PLEASE DO NOT RESIGN!
Sunday, March 2nd, 2008Huwag mo kaming pakinggan. Hayaan mo lang silang magrally nang magrally. Hayaan mo lang kaming magreklamo ng magreklamo.
Ipagpatuloy mo lang ang pagnanakaw mo. Pagbumaba ka sa puwesto, iba naman ang magnanakaw. Ano pa ba naman ang bago? Lahat naman tayong Pilipino ay corrupt.
Oo, lahat tayo corrupt. Pati ikaw na nagbabasa nito. At oo, pati ako na nagsusulat nito. Huwag na tayong magmalinis. Huwag na tayong maglokohan. Siguro ang iba sa inyo ay naglagay sa huling pulis na nagticket sa’yo. O kaya naman eh siguro yung iba sa inyo ay pulis na pumayag malagyan ng mga nahuli ninyo. Siguro naglagay ka nung huling pumila ka sa LTO para mapabilis ang pagproproseso ng lisensiya mo. Siguro dinaya mo yung tax return mo nung huling nagfile ka. Siguro dinadaya mo yung boss mo sa mga oras na pinagtratrabaho mo. Siguro inaabuso mo yung mga subordinates mo sa trabaho. Siguro eh nagbayad ka sa mga tao sa NAIA nung huli kang umuwi para di na nila buksan ang mga bagahe mo. Huwag mo kong paikutin dahil ako mismo nagbayad din dun. Siguro eh bumili ka rin ng pekeng book report sa Recto nung araw. Siguro eh bumili ka rin ng pekeng birth certificate sa Recto para makasali ka sa liga ng basketball kahit over-aged ka na. Siguro eh bumili or nakinabang ka rin sa panonood ng pirated DVDs. Siguro minsan eh inuwi mo yung office supplies niyo sa trabaho para magamit ng anak mo. Siguro eh nag-table ka ng batang batang bebot na malaki ang pangangailangan nung huling umuwi ka sa Pinas. Buti nga kung table lang. Lahat yan eh pangaabuso ng ating kapangyarihan, pangaabuso ng ating kakayahan, pandaraya, pagnanakaw, panlalamang.
Si Lozada, malamang na nagnanakaw din yun dati. Malamang na nangagrabiyado rin yun ng mga mahihirap. Malamang ginamit rin niya dati ang position niya para sa sariling kapakanan. Nakita mo nga’t may mga anak sa labas.
Ang mga politiko na nagpapatalsik kay Gloria - pinapatawa niyo ako. Hoy Ping Lacson, nasusuka ako sa kaplastikan mo. Magkakasama kayo ni Erap na nangabuso rin ng mga posisyon ninyo. Lahat kayong mga pulitiko, huwag nyong sabihin na di kayo nagnanakaw ngayon. Huwag niyong sabihin na di kayo nakikinabang sa mga contracts ng iba’t
ibang sangay ng gobyerno. Huwag niyong sabihin ng di kayo tumatanggap ng lagay.
Nakakasawa! Sa mga sumama sa rally sa Makati at sa mga taong gustong patalsikin si PGMA, pakitanong nga natin sa ating mga sarili kung bakit kaya di muna tayo ang magbago? Bakit di muna ang sarili natin ang ayusin natin? Paano bababa sa puwesto si PGMA kung alam naman niya na halos lahat ng taong nakapaligid sa kanya eh ginagawa
rin ang ginagawa niya?
Kaya ang payo ko sa’yo PGMA, huwag kang mag resign. Naiinggit lang kami dahil mas malaki ang nananakaw mo kaysa sa amin.
-EarlvinCruz-